Labels

Monday, October 22, 2012

Ang Iba’t Ibang Uri ng Mga Taga-Suporta Tuwing Natatalo ang Barangay Ginebra Kaye Cabal



AKTV/Paolo Papa
Hindi maaalis sa bawat basketball fan ang maging apektado sa bawat pagkatalo ng koponan na kanilang sinusuportahan. Sabi nga nila, kung sports fan ka, iba ka — dahil puso ang puhunan sa iba’t ibang emosyon na iyong pinakakawalan sa bawat laban.
Talo na naman ang Barangay Ginebra kagabi. Aba’y ikatlong sunod na talo na nila yun ngayong komperensiya, ah? Sa taas ng hangarin naming mga tagahanga para sa pinakamamahal naming koponan, hindi namin mapigilang isipin na quota na sila sa pagkatalo. Grabe na yata ang tatlong sunod-sunod na talo.
Ngunit ganito man ang iniisip ng ilan sa amin, pare-pareho lang naman kaming nananalangin na sana manalo na ang Ginebra dahil gusto na namin ulit magtatatalon sa saya.
At dahil natalo na naman ang Barangay Ginebra, nagsilabasan na naman ang iba’t ibang uri ng mga taga-suporta. Maraming salamat sa mga kapwa ko panatiko at tinulungan nila akong buuin ang listahan ng iba’t ibang uri ng mga taga-suporta tuwing natatalo ang Ginebra.

I. BOY/GIRL SISI

Sila yung mga taga-suporta na laging inaakala na ang bawat pagkatalo ay kasalanan ng alin man sa mga sumusunod: 1) mga players; 2) coaching staff; 3) referees; 4) commentators; o 5) all of the above.
Minsan pa, kapag talagang lugmok na lugmok na, sinisisi na rin nila ang kanilang mga sarili na para bang may ginawa silang mali at sila ang may kasalanan ng lahat. Kasama din dito yung mga taga-suporta na pinagbabalingan ng sisi ang mga kaawa-awang radyo at telebisyon na para bang naglaro din ang mga ito. Para sa kanila, lahat ng nakikita nila ay isang malaking jinx na sumira ng laro ng Barangay Ginebra.
HASHTAGS: #FireX #TradeY #MalasKayongLahat #AkoAngMayKasalanan

II. THE ANALYST

Sila naman yung mga taga-suporta na all-knowing. Para sa kanila, lahat ng ginagawa ng coach ay mali at sila lang ang tama sa mundo. Malamang sa alamang, may mga balak silang maging isa sa coaching staff ng Barangay Ginebra hanggang sa sila na ang susunod na tatanggap ng PBA Coach of the Year award.
Sila rin yung mga feeling team managers na kung makapuna sa mga plays at turnovers ng Barangay Ginebra ay akala mo ay sila lang ang magaling. Siguro mataas ang basketball IQ nila kaya ganon.
HASHTAGS: #YunLangNalusutanPaKayo? #DapatPinasaMo! #AnongKlasengPlayYon? #PlayBaYon?

AKTV/Paolo Papa

III. THE WAR FREAK

Nakakatakot ang mga taga-suportang ito. Sila yung mga taga-suportang hindi alam sa salitang “kalma.” Tuwing natatalo ang Barangay Ginebra, iwasang makahalubilo ang ganitong klase ng mga taga-suporta dahil mapagbabalingan nila ng galit ang una nilang makakabangga.
Huwag na huwag ding aasarin at kakantiin ang ganitong mga taga-suporta tuwing talo ang Barangay Ginebra dahil tiyak, madadamay ka sa init ng ulo nila. Kahit ang pinakatahimik ay nagiging Incredible Hulk kapag idiniin mo pa sa mukha nila na talo ang Ginebra.
Bigyan sila ng ilang oras upang mawala ang init ng ulo nila, dahil kung hindi, delikado ka. Pramis talaga.
HASHTAG: #!@#$%^&*()!!!

IV. MGA INSTANT

Sila yung mga taga-suporta na bigla-bigla na lang nagbabago tuwing natatalo ang Barangay Ginebra.
Marami sa kanila ay mga Instant Tanggero/a — yung mga direcho agad sa inuman pagkatapos ng laban. Madalas silang umagahin sa mga ganitong pagkakataon.
Mayroon rin namang mga Instant na Mapamahiin — yung mga agad-agad na magpapahula sa Quiapo kinabukasan, o sasadya sa isang Feng Shui expert at bigla biglang maglilipat ng mga gamit sa bahay.
Marami rin sa kanila ang mga biglang mag-i-Instant Diet — yung mga magha-hunger strike buong gabi, at minsan ay hangang sa umaga kinabukasan, dahil sa pagkatalo ng Barangay Ginebra.
Kung maraming mga nagi-instant diet, marami ring nagiging Instant Morning Person — o yung mga diretcho sa kama at idadaan nalang sa tulog ang sama ng loob.
May ilan ring nagiging Instant Fan ng Kalaban ng huling team na tumalo sa Ginebra. Ang sigaw nila, “Resbak na ‘to!”
Mayroon ring mga nagiging Instant Relihiyoso — yung mga diretso sa simbahan kinabukasan para magdasal, mag-novena, o mangumpisal.
Nariyan rin ang ilang mga nagiging Instant Gamer — yung mga diretso laro ng mga computer games, at dudurugin ang mga kalaban na para bang sila yung nakalaban ng Ginebra.
HASHTAGS: #TaraInom #HindiMakakainDahilTaloNaNaman #Zzzzzzzz #MatataloDinKayo #TaraDOTA #LordPleaseNamanPo

AKTV/Paolo Papa

V. GAMEPLAN: ATTACK THE NEW MEDIA

Sila yung mga taga-suporta na diretso sa Twitter at Facebook pagkatapos matalo ng Barangay Ginebra. Mauubos ang buong gabi nila sa paghahasik ng kanilang galit sa kani-kanilang mga accounts.
Malupit magwala sa Twitter at Facebook ang mga taga-suportang ito. Kung wala sila sa mga sariling account nila, nakabukas naman sa sampung tabs ang iba’t ibang mga fan pages at groups at doon sila naghahasik ng lagim.
Kung ganito na katindi ang sitwasyon sa Facebook, mas nagkakagulo na sa Twitter. Hindi lang basta umaatake ng tweets ang ilan sa mga taga-suportang ito dahil naka-mention pa sa mga players, coaches, at iba’t-ibang sports personalities ang galit nila. Patay na.
HASHTAG: Wala. Direcho lang. “@player Bakit hindi mo pinasa agad? Lagot ka.”

VI. THE EMO

Sila yung mga sobrang emosyonal sa taga-suporta na daig pa ang brokenhearted tuwing natatalo ang Ginebra. Hindi makakain, hindi makatulog, hindi makausap. Nakaka-bagabag sila.
Sila yung papasok sa klase o sa trabaho na sira ang mood o bad trip sa susunod na limang araw o hanggang sa susunod na laban ng Ginebra. Feeling nila magugunaw na ang mundo. Tulala. Hindi makapagsalita.
Mayroon sa kanilang hindi makakain (gaya ng mga Instant na nag-da-Diet) at mayroon rin namang idinadaan sa kain ang sama ng loob. Minsan, idinadaan din sa pagba-blog, at pagsusulat ng “Dear diary, syet na malagket. Talo na naman ang Ginebra. Ang sakit-sakit…”
May mga umiiyak rin sa kanila tuwing natatalo ang Barangay Ginebra. As in iyak talaga.
HASHTAGS: #Ouch #AngSakit #Laslas

AKTV/Paolo Papa

VII. IN DENIAL

Sila yung mga taga-suporta na hindi matanggap ang pagkatalo ng Barangay Ginebra. Kahit pang-ilang talo na yun ng Ginebra, hindi pa rin nila kaya.
Coping mechanism ng ilan sa kanila ang pagkakaroon ng selective memory. Ang sistema, pagkagising nila sa umaga, parang normal na araw lang at hindi na nila maalala na natalo ang Barangay Ginebra noong nakaraang gabi. Minsan umaabot ng isang linggo ang sakit na ito. O isang conference. O isang season. Depende.
Kasama din dito ang mga taga-suporta na NR – no response, at poker face. Sa sobrang sakit ng pagkatalo, hindi na nila alam kung paano magre-react at kung ano ang sasabihin. Kawawa naman.
HASHTAG: Wala. Parang walang nangyaring laro ng Ginebra.

VIII. DAKILANG PALUSOT

Kuwela ang mga taga-suportang ito. Sila yung mga tipo na tuwing natatalo ang Ginebra, dadaanin nalang nila sa kung anu-anong pagdadahilan. Ito ang Top Three na palusot nila ayon sa nakaraang nationwide Ginebra fanbase survey (Echos. Walang survey na naganap):
  1. Talo ang Ginebra? Walaaaa! Paramihan nalang ng hairstyle ng isang player!
  2. Talo na naman ang Ginebra?? Okaaaaay lang! Paguwapuhan nalang ng line-up!
  3. Ha??? Talo na naman ang Ginebra??? Paramihan nalang ng fans!!! Wooohooo!
HASHTAGS: #Chos #MayMailusotLang

AKTV/Paolo Papa

IX. BANDWAGON

Bad trip ang mga taga-suportang ito. Ang sarap sungalngalin. Seryoso. Sila yung mga taga-suportang nandyan lang tuwing panalo ang Ginebra tapos sabay kabig ng panlalait kapag natalo. Mga mukha niyo.
HASHTAG: #Balimbing

X. PAPAMPAM

Mga taga-suporta ng ibang koponan na malalakas ang loob na mang-away ng mga taga Barangay Ginebra. Hindi naman sila nananakit, nakiki-epal lang talaga. Bad trip.
Sila ang suki ng mga War Freak. Sila rin yung kinukuyog ng mga nasa Twitter at Facebook. Kawawa naman. Pero ang lalakas kasi talaga mang-asar kaya sorry nalang.
HASHTAGS: #WeakNgGinebraNiyoBoo #ButiNgaTaloGinebra

AKTV/Paul Ryan Tan

XI. MANHID

Sila yung mga taga-suporta na sa tinagal-tagal sa likod ng Ginebra, nasanay na sa bawat pagkatalo nila.
Kasama rin dito yung mga sobrang apektado at sobrang nasaktan sa pagkatalo ng Barangay Ginebra kaya bumigay na sila.
Meron rin sa kanilang deadma na lang tuwing natatalo ang Ginebra lalo na kapag galing sa malaking lamang tapos natalo pa.
HASHTAGS: #SakitNaNilaYan #LagiNamangGanyanEh #KDot

XII. THE OPTIMIST

Sila yung mga sobrang isinasabuhay ang pagiging isang mabait at kalmadong taga-suporta ng Barangay Ginebra tuwing natatalo sila.
Sila rin yung mga panabla ng lahat ng iba pang uri ng taga-suporta. Sila rin yung mga taga-suportang pilit na binubuhay ang puso at tiwala ng buong barangay dahil para sa kanila, kayang kaya naman manalo ng Ginebra.
Wala kang maririnig o mababasang kahit anong negatibo mula sa kanila. Ang tanging hangad lang nila, bumawi ang Barangay Ginebra sa susunod na laro ng bonggang bongga.
Hindi rin sila nawawalan ng pag-asa. Naniniwala sila na walang dapat sisihin at walang may gusto na matalo ang mahal nilang Barangay Ginebra.
HASHTAGS: #BounceBack #GinebraPaRin #NeverSayDie #Laban #PusoLang
Tuwing natatalo ang Barangay Ginebra, nagsisilabasan ang iba’t ibang uri ng mga taga-suporta. Ngunit ating tandaan na kahit pa nahahati tayo sa iba’t ibang kategorya depende sa ating ugali at paniniwala, lahat pa rin tayo ay naghahangad ng kampeonato para sa ating pinakamamahal na koponan.
May mga iba’t ibang uri ng taga-suporta ang Barangay Ginebra. Ikaw, sino ka sa kanila? Comment na! :)
(Ang listahan na ito ay pinagtulungang buuin ng mga taga-suporta ng Barangay Ginebra sa Twitter. Muli, maraming salamat! Kayo na talaga!)
Si Kaye Cabal ang taga-pamahala ng @barangayginebra Twitter account. Ang sanaysay na ito ayunang inilathala sa kanyang blog. Para sa mas marami pang usapang-Ginebra, sundan siya saTwitter o sa kanyang blog.

No comments:

Post a Comment