Labels

Wednesday, October 3, 2012

Sotto, maghahain ng resolusyon para alisin ang Libel Law




Naniniwala si Senador Vicente "Tito" Sotto III na hindi labag sa freedom of expression ang kontrobersyal na Cybercrime Law.

Gayunman, sinabi ni Sotto sa panayam ng DZMM TeleRadyo, na kung patuloy na umaalma ang mga mamamayan ukol dito ay maghahain siya ng resolusyon para alisin na ang Libel Law, hindi lang sa cyberspace kundi maging sa print at broadcast media.

"Ngayon, ipagpalagay na natin na gusto nila, open talaga, gusto nila may freedom of expression sila. Gawin natin, pag-aralan natin sa Senado. Magpa-file ako sa Lunes, alisin na rin sa inyo, alisin na natin lahat, alisin na natin ang libel."

"Magpa-file ako ng bill o resolution na alisin na ang libel para kami pwede na ring magmura, kayo pwede na ring magmura, at bakit sila lang ang pwede?" sabi ni Sotto.

Ayon pa kay Sotto, maaari namang gamitin ang freedom of expression nang hindi nagiging bastos o naninira ng kapwa.

Kailangan lang aniyang maging accountable at responsable ang mga netizen sa pagggamit ng social networking site.

Bukod dito, sinabi ni Sotto na ang pagpapanatili ng moralidad ang isa sa naging layunin ng Cybercrime Law.

"Moralidad ang issue dito eh kaya nga gusto nating bantayan ang cyberspace kasi yung moralidad ng mga kabataan natin, nababastos na eh, nabababoy na," aniya.

Hindi isiningit

Una nang itinanggi ni Sotto sa panayam din ng DZMM TeleRadyo na hindi niya isiningit ang probisyong libel sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act 10175 makaraang atakehin sa social media.

Iginiit ni Sotto na bago siya batikusin sa mga social networking site kaugnay ng umano'y plagiarism sa mga testimonya niya kontra-Reproductive Health (RH) Bill ay matagal nang naipasa sa Senado ang Cybercrime Law kung saan nakapaloob ang lahat ng krimen ng Revised Penal Code.

Gayunman, inamin ng senador na siya ang nagbigay ng naturang suhestyon na kinatigan naman ng iba pang mga senador.

Una na ring sinabi ni Sotto na sakaling maipasa ang decriminalization ng libel ay pagmumultahin na lang ang lalabag sa Cybercrime Law ngunit posible pa ring makulong kung walang pambayad.

Magugunitang umabot na sa pito ang mga inihaing petisyon kontra sa Cybercrime Prevention Act ngunit patuloy pa rin ang implementasyon nito ngayong araw.





No comments:

Post a Comment